Biyernes, Mayo 4, 2012

Quo Vadis, Youth? (Nasaan ka na, Kabataan?)


Quo Vadis, Youth? (Nasaan ka na, Kabataan?)


            Hindi nakakapag-aral, batang kalye, maagang nag-aasawa, mga kriminal na kaagad kahit sa murang edad pa lamang, napipilitang magbenta ng laman, maagang nagtatrabaho.
            Ito ang mga kasuklam-suklam na realidad na kinakaharap ng marami sa mga kabataan natin ngayon.
            Paano kaya tayong mga kabataan magiging pag-asa ng bayan, kung nasasadlak tayo sa ganitong uri ng sitwasyon na kahit ang sarili natin ay hindi natin matulungan?
            Bagama’t hindi ganito ang nararanasan ng lahat ng kabataan ngayon dahil marami ring kabataan ngayon ang nakakaranas ng disente at mariwasang buhay. Marami ring mga nagsipagtapos na ng kolehiyo at nakapaghanap na ng trabaho. Marami rin sa mga kabataan ngayon ang sikat sa iba’t ibang larangan sa loob at labas ng ating bansa.
            Dapat magtulungan tayong lahat upang maitama ang madilim na landas na dinaraanan ng ilan sa mga kabataan ngayon. Kahit sa maliit na paraan katulad ng pag-alalay sa kanila sa pamamagitan ng pagboboluntaryo sa pagtuturo sa kanila ng mga asignatura at kagandahang-asal upang kahit nadapa sila sa umpisa ay makaaahon pa rin sila. At para naman sa mga kabataang maginhawa ang tinatamasang buhay at may oportunidad na mag-aral at makatapos ng pag-aaral, huwag nating sayangin ang pagkakataong iyon dahil maraming mga salat sa buhay na kabataan na nais makapag-aral at gagawin ang lahat makapag-aral lang, kaya dapat patunayan nating karapat-dapat rin tayo sa oportunidad na ibinigay ng Diyos sa atin. At kapag dumating na ang panahon na kahit papano’y maganda na ang buhay nating mga kabataan, taas noong masasabi nating mga kabataan, na  tayo, tayo pa rin ang pag-asa ng bayan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento